Kalunos-lunos ang mga kaganapan noong weekend. Bumaha ng todo-todo. At syempre pahuhuli ba naman dyan ang pinakamamahal kong bayan ng Malabon?
Oo at pasalamat kami, mas sumikat ang Marikina sa mga oras na iyon. At kung ganung klase lang naman ng pagsikat e sawang-sawa na kaming Malabonon duon. Kumbaga sa basketball, grandslam at five-peat combined.
Nakakapanlumo nuong pagbukas ko ng tv kahapon (kahapon lang ako nakapanood ng tv, kahapon lang din kasi bumalik serbisyo ng kuryente sa lugar namin). Nakakatakot ang mga kaganapan nuong weekened, buti na lang at wala kaming tv nung mga oras na iyon, dahil siguro kung nakita namin yun nung araw na yon, baka pinanhinaan na kami ng loob.
Pero, isa rin itong pagpapatunay kung gaano kalaki ang pagmamahal ng sambayang Pilipino sa bawat isa. Tumaas ang balahibo ko nung sabihin ng ABS-CBN na nakaka Php22M na ang nakakalap nilang tulong, bukod pa iyan sa Php3M naman sa GMA7. Grabe ang dagsa ng tulong. Sobrang pinatunayan ng Pilipinas ang bayanihan, walang iwanan talaga.
Ang mga pangyayaring iyon ay isa sa mga hinding hindi ko makakalimutan. Sobrang sakit sa katawan ko sa paglilikas ng gamit, pati na rin ang paglilinis ng bahay pagkatapos humupa ng baha. Pero sobrang taba din ng puso ko sa suportang natanggap. Ang simpleng text ng pangangamusta ay napakalaking bagay sa amin.
At higit sa lahat, patuloy kong ipagmamalaki ang lahing kayumanggi - na sa hamon ng buhay, hindi sumusuko, bagkus ay nagtutulungang umahaon sa kalugmukan. Ikinararangal kong ako'y isang Pilipino!
No comments:
Post a Comment